KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
Ni: Majar Laika Castro Panes
(+63) 9104807338
PART II
Kung iisipin, ang nangyari ngayon ay simula pa lamang at hindi ito ang totoong nakakatakot. Isa lang ang nakakatakot para sa akin, ang pagpapakawala ng mga mananakop ng mga di normal na nilalang na ginawa nila sa kanilang laboratory. Sila ang mga asong kinalap sa buong lugar upang pumatay ng tao, kakampi man o kaaway. Puro takot ang nasa puso namin, kung saan-saan kami sumiksik upang magtago, nagpapalit-palit ng lugar, nagpapanggap na patay at kung anu-ano pa para lamang mabuhay. Mayroon nga kaming nakasamang lalaki, matapos ang kanyang matagal na pagtatago’y nahuli ng di natural na nilalang, noong panahong iyon ay nagkukunwari kaming patay, kitang kita pa ni Mila ang paglapa sa kanya. Ayon din marahil ang dahilan ng pagiging tulala namin ng halos isang buwan. Pagtapos ng limang buwang pangyayari, bumaba na sa mga makinang lumilipad ang mga mananakop. Lahat ng taong natirang buhay ay dinala sa isang kampo. Sira na ang aking bayan, maraming katawan ng biktima ang nakahandusa’y kung saan-saan ang iba sa kanila’y sinusunog na para lang basura. Takot man ako, nilalakasan ko pa rin ang loob para sa aking kapatid.
Ang kampong pinagdalhan sa amin ay maliit lamang dahil kakaunti na lang ang natirang buhay. May mga selda at ang mga pinto ay sa kahoy lamang gawa. Ang pinakamalaking trangkahan ay nagkakalawang na ngunit gawa sa aluminum at bakal. Lumalangit-ngit pa ito sa tuwing sinasara o binubuksan.
Ang katabing kwarto ng mga selda ay opisina ng tagapangalaga, may kalumaan na ang mga ito ngunit maayos at madedetalye ang bawat sulok. Tatlong bahay ng tagapangalaga ang nakalagay dito kung saan binabantayan ng limang bantay na may mga armas.
Sa tabi naman ng malaking trangkahan ay isang bugaran ng nagbabantay, may mga baril at mahahabang panusok sa gilid nakapwesto ang trangkahan, sa harap nito’y masikip na parang iskinitang papunta sa palikuran, kung saan ang bawat inidoro ay nanlilimahid sa dumi, walang tubig, maraming papel na nakakalat at walang pinto kundi ang mga mga telang sinabit sa harap. Ang sunod na lugar ay lugar ng pagtitipon, kung saan sira na ang bubong na halatang pinagtagpi-tagpi lamang sa mga nasunog at nabaling kahoy at mga yero kung saan malapit sa basurahang puro langaw. Sa gilid ng trangkahan ay mga salaming makakapal at nanlilimahid sa alikabok na tila harang ng buong paligid ngunit may pundasyon na pader.
Tuwing ikalawang araw ang pagrarasyon ng pagkain at sa tuwing gabi ito nagaganap. Bibigyan kami ng pagkaing sapat na ipampatay sa amin dahil sa dami, dahil sa kinabukasan ay wala silang irarasyon na pagkain. ‘piesta’ matatawag ang araw na ito.
Marami rin panuntunan isiniksik sa aming isipan, minsan nga iniisip ko kung bakit pa nila kami inuulila kung maari naman nila kaming patayin.
Tuwing piesta, hanggang ika-walo lamang ng gabi ang tapos ng pagkain samantalang ika-pito ng gabi ito ihahain ng mga kababaihan. Pagdating ng ika siyam ng gabi ay magsisimulang matulog, hindi pwedeng ikaw ay makitang nagdadasal, ang mga batang umiiyak sa gabi ay pinapatulog sa ibang selda na walang kasama kundi sarili nila. Kahit anong edad ng bata ay kasama sa panuntunang ito. Sa umaga naman, kailangan magsibak ng kahoy, gumawa ng produkto at kalakal at magbanat ng buto, kasama ang ibat ibang gawain sa loob ng bahay, lahat ng binabagsak na bagay galing sa mga gumuhong gusali ay dinadala sa pagawaan ng bakal. Lahat ng basura ay pinapakinabangan at binibenta ng mga mananakop sa ibang bayan bilang pambili ng panibagong produkto, o kapalit ay salapi. Ang mga kasuotan ng mga napaslang ng digmaan ay ang pinapasuot sa amin, lalabhan lamang ito ng mga kababaihan. Lahat ng gawaing pangselda, paglalaba, pagluluto, paglilinis at kung anu-ano pang gawaing magaan ay sa mga tulad kong kababaihan pinapagawa.
Bawal ang may nasasayang na bagay dahil isang araw na pagpagupit ang mararanasan sa oras na malaman nilang nagtapon ka o nang-umit ng gamit.
Tanda ko pa nga ang batang lalaking kaselda naming si Richard, labing pitong gulang, kumuha ito ng kaunting bakal at tinago sa isang parte ng kanyang katawan, nalaman ito ng iba sa kawal at pinahuli sya. Ang sabi-sabi sa selda, natikman nya ang maraming beses na paghagupit sa likod ng kampo kung saan usap-usapan na marami nang namatay. Pagtapos ng araw na ‘yon, di na sya bumalik sa selda at di ko na rin sya nakita sa buong kampo.
“ate, hanggang kailan ba tayo maghihirap dito? Asan na si ina?”
Lumuha ako habang tinatanong ito ng paslit kong kapatid na di pa dapat nakakaranas ng ganung paghihirap.
“magtiis lang tayo, darating din ang katapusan ng lahat ng ito”
“paano ate kung di ka makahanap ng paraan? paano kung di matapos ang paghihirap natin? Paano kung di na tayo magising sa panaginip na ito?”
Wala akong maisagot sa sunod-sunod nyang tanong. Umiiling na lamang ako.
Hindi matanggap ng puso ko ang ginagawa nila. Maraming beses kong tinakas si Mila ngunit ang lahat ay kabiguan dahil nahuhuli lamang kami. Ang tunay na may sala nito ay hindi si Mila, kundi ako kaya ako ang tumatanggap ng lahat ng parusa.
“ate, pag lumaki na ako, di mo na kailangang magsakripisyo para sa parusang dapat ay akin, pag malaki na ako, ako naman ang kukuha ng parusang para sa iyo.”
Hindi dito nawala ang pag-asa kong maitakas si Mila, lagi akong nagsusubok. Noong una, sinubukan kong itago si Mila sa likod ng salamin sa gilid ng trangkahan at inutusan ko syang sa sandaling magbukas ito para sa pagdaan ng mga sasakyang may dalang gamit ay makapuslit sya at makalabas, ang gilid kasi ng kampo ay ilog na papuntang ibang bayan. Sa talino niya nama’y makakahanap ito ng paraan upang makatawid at dahil na rin sa alam nya ang lugar, may posibilidad talaga syang makatakas, ngunit nahuli syang muli. Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko ang takot ni Mila dahil sa parusa sa kanyang matutulog mag-isa sa seldang napakalayo sa aming kinaroroonan. Pag-uwi noon ni Mila, tulala siya.
No comments:
Post a Comment