Thursday, March 8, 2012

Kisapmata: Ang anim na taong paghihirap part 1


KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
(+63) 9104807338

PART I
Ang mundo ay tahimik ngunit ang mundong ganito ay maaaring magbago sa isang kisap mata lang …
Isa itong magandang araw, naririnig ko pa ang lutong ng aming bubong, ang mga puno sa amin, unti-unti nang nawawala kaya kakaunti na lang ang ibong naririnig kong humuhuni. Ang init ng araw ay di karaniwan kaysa sa mga araw na nagdaan. Grabe ang usok na tumatama sa hangin habang nagwawalis ang aming kapitbahay. Ang lugar naming ay malapit sa kalsadang di karaniwang nadadaanan ng sasakyan. Tanging mga pantaong may tatlong gulong lamang ang nakadaraan. Nakaharap kami sa laging nakangiting araw samantalang nasisinagan naman ng buwan tuwing gabi. Malalawak ang espasyo ng aming lugar at kung susumahin, kami lang siguro ang may katamtamang bahay. Kakaunting populasyon ngunit maraming istrakturang pampamayanan.
Isa ako sa dalawang milyonng populasyon ng aking bayan. Ano pa nga ba ang hahanapin mo? Mababait ang tao sa amin, hindi maiingay na tulad sa lunsod. Inutusan ako noon ni inay na bumili ng aming iuulam pananghalian. Sa aking paglalakad, isang mukha ang bumulabog sa aking tahimik na isipan

“sino ba sya? Pamilyar masyado ang kanyang mukha…ngunit sino nga ba sya?”

            Hindi ko mapaliwanag ang mga sunod na nangyari, ang lahat ng tao sa aking harap at likuran ay biglang nagtakbuhan. May sumabog sa bandang malayo sa aking kanan. Nasira ang mga bahay at nararamdaman ko pa nga ang mga animo’y ‘confetti’ na nagbagsakan. Sumubok din akong tumakbo habang tinanong ang iba kung anong nangyayari

“may sumasalakay sa ating bayan!”

            Sandaling tumahimik ang paligid habang puno ng usok ng alikabok ang kalahating parte ng lungsod. Nagsilapitan ang mga tao’t nag-unahang habulin ng sulyap ang pinagpiitan ng usok. Isang gumagalaw na bagay!
            Nagsigawan ang lahat at muling nagsi-unahang tumakbo, sa sandaling pagbagal ng oras, nakita ko ang kanilang takot, sinugod kami ng taga kabilang bayan, dala ang pinagmamalaki nilang makinang imbensyon at mga nakakatakot na nilalang galing labolatoryo. Naramdaman ko ang luhang pumatak sa aking mata.

            “si Mila…”

            Mahabang buhok, maputing balat at napakaamong mukha, sya ang kapatid kong si Mila, pitong taong gulang lamang sya noon ngunit mas mataas ang libel ng kanyang pag-iisip sa kanyang edad.
            Si Mila ay nag-iisa ko lamang na kapatid, dinala sya sa amin ng mga anghel noong namatay ang aking ama, si ina naman, may kinakasama na sya ngayon at buong oras ay tinuon na lang sa kinakasama. Kami ni Mila ang naging mag-ina, ako ang ate nya ngunit turing ko sa kanya’y aking anak. Napakaamong bata, tila walang pinuproblema kundi ang kanyang manikang babaeng naliligo sa alikabok ngunit walang atubiling laging yakap ang sukli.
            Sa sandaling bumaba ang kaguluhan, si Mila lang ang aking nasa isipan.
            Paano na lang sya kung ang mananakop ay maabot ang aming bahay? Dali-dali akong tumakbo pabalik, si ina na umiiyak habang nasa bisig ng aking amain ay wala ng masabi sa aking pagdating.
            Muling pagsabog ang aming narinig, panibagong bomba kasi ang hinagis sa aming lugar, gumuho ang mga matitibay na braso ng aming bahay, ang alam ko lang, nakuha ko’t ngayo’y nasa kamay si Mila, habang sila ina, di ko na alam…

Wednesday, March 7, 2012

Kisapmata: Ang anim na taong paghihirap part 2


KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
Ni: Majar Laika Castro Panes
(+63) 9104807338


PART II
            Kung iisipin, ang nangyari ngayon ay simula pa lamang at hindi ito ang totoong nakakatakot. Isa lang ang nakakatakot para sa akin, ang pagpapakawala ng mga mananakop ng mga di normal na nilalang na ginawa nila sa kanilang laboratory. Sila ang mga asong kinalap sa buong lugar upang pumatay ng tao, kakampi man o kaaway. Puro takot ang nasa puso namin, kung saan-saan kami sumiksik upang magtago, nagpapalit-palit ng lugar, nagpapanggap na patay at kung anu-ano pa para lamang mabuhay. Mayroon nga kaming nakasamang lalaki, matapos ang kanyang matagal na pagtatago’y nahuli ng di natural na nilalang, noong panahong iyon ay nagkukunwari kaming patay, kitang kita pa ni Mila ang paglapa sa kanya. Ayon din marahil ang dahilan ng pagiging tulala namin ng halos isang buwan. Pagtapos ng limang buwang pangyayari, bumaba na sa mga makinang lumilipad ang mga mananakop. Lahat ng taong natirang buhay ay dinala sa isang kampo. Sira na ang aking bayan, maraming katawan ng biktima ang nakahandusa’y kung saan-saan ang iba sa kanila’y sinusunog na para lang basura. Takot man ako, nilalakasan ko pa rin ang loob para sa aking kapatid.
            Ang kampong pinagdalhan sa amin ay maliit lamang dahil kakaunti na lang ang natirang buhay. May mga selda at ang mga pinto ay sa kahoy lamang gawa. Ang pinakamalaking trangkahan ay nagkakalawang na ngunit gawa sa aluminum at bakal. Lumalangit-ngit pa ito sa tuwing sinasara o binubuksan.
            Ang katabing kwarto ng mga selda ay opisina ng tagapangalaga, may kalumaan na ang mga ito ngunit maayos at madedetalye ang bawat sulok. Tatlong bahay ng tagapangalaga ang nakalagay dito kung saan binabantayan ng limang bantay na may mga armas.
            Sa tabi naman ng malaking trangkahan ay isang bugaran ng nagbabantay, may mga baril at mahahabang panusok sa gilid nakapwesto ang trangkahan, sa harap nito’y masikip na parang iskinitang papunta sa palikuran, kung saan ang bawat inidoro ay nanlilimahid sa dumi, walang tubig, maraming papel na nakakalat at walang pinto kundi ang mga mga telang sinabit sa harap. Ang sunod na lugar ay lugar ng pagtitipon, kung saan sira na ang bubong na halatang pinagtagpi-tagpi lamang sa mga nasunog at nabaling kahoy at mga yero kung saan malapit sa basurahang puro langaw. Sa gilid ng trangkahan ay mga salaming makakapal at nanlilimahid sa alikabok na tila harang ng buong paligid ngunit may pundasyon na pader.
            Tuwing ikalawang araw ang pagrarasyon ng pagkain at sa tuwing gabi ito nagaganap. Bibigyan kami ng pagkaing sapat na ipampatay sa amin dahil sa dami, dahil sa kinabukasan ay wala silang irarasyon na pagkain. ‘piesta’ matatawag ang araw na ito.
            Marami rin panuntunan isiniksik sa aming isipan, minsan nga iniisip ko kung bakit pa nila kami inuulila kung maari naman nila kaming patayin.
            Tuwing piesta, hanggang ika-walo lamang ng gabi ang tapos ng pagkain samantalang ika-pito ng gabi ito ihahain ng mga kababaihan. Pagdating ng ika siyam ng gabi ay magsisimulang matulog, hindi pwedeng ikaw ay makitang nagdadasal, ang mga batang umiiyak sa gabi ay pinapatulog sa ibang selda na walang kasama kundi sarili nila. Kahit anong edad ng bata ay kasama sa panuntunang ito. Sa umaga naman, kailangan magsibak ng kahoy, gumawa ng produkto at kalakal at magbanat ng buto, kasama ang ibat ibang gawain sa loob ng bahay, lahat ng binabagsak na bagay galing sa mga gumuhong gusali ay dinadala sa pagawaan ng bakal. Lahat ng basura ay pinapakinabangan at binibenta ng mga mananakop sa ibang bayan bilang pambili ng panibagong produkto, o kapalit ay salapi. Ang mga kasuotan ng mga napaslang ng digmaan ay ang pinapasuot sa amin, lalabhan lamang ito ng mga kababaihan. Lahat ng gawaing pangselda, paglalaba, pagluluto, paglilinis at kung anu-ano pang gawaing magaan ay sa mga tulad kong kababaihan pinapagawa.
            Bawal ang may nasasayang na bagay dahil isang araw na pagpagupit ang mararanasan sa oras na malaman nilang nagtapon ka o nang-umit ng gamit.
            Tanda ko pa nga ang batang lalaking kaselda naming si Richard, labing pitong gulang, kumuha ito ng kaunting bakal at tinago sa isang parte ng kanyang katawan, nalaman ito ng iba sa kawal at pinahuli sya. Ang sabi-sabi sa selda, natikman nya ang maraming beses na paghagupit sa likod ng kampo kung saan usap-usapan na marami nang namatay. Pagtapos ng araw na ‘yon, di na sya bumalik sa selda at di ko na rin sya nakita sa buong kampo.

            “ate, hanggang kailan ba tayo maghihirap dito? Asan na si ina?”

            Lumuha ako habang tinatanong ito ng paslit kong kapatid na di pa dapat nakakaranas ng ganung paghihirap.

            “magtiis lang tayo, darating din ang katapusan ng lahat ng ito”

            “paano ate kung di ka makahanap ng paraan? paano kung di matapos ang paghihirap natin? Paano kung di na tayo magising sa panaginip na ito?”

            Wala akong maisagot sa sunod-sunod nyang tanong. Umiiling na lamang ako.
            Hindi matanggap ng puso ko ang ginagawa nila. Maraming beses kong tinakas si Mila ngunit ang lahat ay kabiguan dahil nahuhuli lamang kami. Ang tunay na may sala nito ay hindi si Mila, kundi ako kaya ako ang tumatanggap ng lahat ng parusa.

            “ate, pag lumaki na ako, di mo na kailangang magsakripisyo para sa parusang dapat ay akin, pag malaki na ako, ako naman ang kukuha ng parusang para sa iyo.”

            Hindi dito nawala ang pag-asa kong maitakas si Mila, lagi akong nagsusubok. Noong una, sinubukan kong itago si Mila sa likod ng salamin sa gilid ng trangkahan at inutusan ko syang sa sandaling magbukas ito para sa pagdaan ng mga sasakyang may dalang gamit ay makapuslit sya at makalabas, ang gilid kasi ng kampo ay ilog na papuntang ibang bayan. Sa talino niya nama’y makakahanap ito ng paraan upang makatawid at dahil na rin sa alam nya ang lugar, may posibilidad talaga syang makatakas, ngunit nahuli syang muli. Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko ang takot ni Mila dahil sa parusa sa kanyang matutulog mag-isa sa seldang napakalayo sa aming kinaroroonan. Pag-uwi noon ni Mila, tulala siya.

Tuesday, March 6, 2012

Kisapmata: Ang anim na taong paghihirap part 3


KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
(+63) 9104807338

PART III

            Sa loob ng limang taon, lagi akong nagsusubok na itakas, di lamang si Mila, kundi pati ang mga batang narororoon.

            Rosa, labing limang taong gulang, kaklase ko noon sa elementary, maganda, maputi at may aking talino. Joan, labing pitong taong gulang, nakikilala lamang namin sya sa kampo, mabait sya ngunit sadyang matapang. Nilo, labing walong taon, lalaking nanliligaw sa akin bago pa sumalakay ang mga mananakop, sapat ang laki at may pangangatawan, matapang sa likod ng mga dayuhan ngunit sa tuwing napaparusahan, tila bahag ang buntot, ito rin siguro ang dahilan ng Diyos kaya hindi nya hinayaang sagutin ko noon si Nilo, di nya kasi kami kayang ipagtanggol. Sila ang mga taong bumubuo ng aming araw-araw na kasiyahan. Sila ang mga kaibigan naming simula pa lamang ng pang-aalipi’y lagi ng kasama sa kasiyahan at kabiruan.
            Ang lahat ng batang labing walo pababa, lalaki o babae ay sabay-sabay naliligo dahil kakaunti lamang ang suplay ng tubig. Naalala ko pa ang kapilyahan namin noon  ng magsabay kami ni Nilo na maligo at gawin ang mga bagay na di pa ginagawa ng mga bata, nahuli kami ng mga guwardiya sa likod ng palikuran, ako’y pinabalik na sa selda samantalang si Nilo nama’y pinatakbong hubo’t hubag sa buong kampo.

            Sadyang malulupit ang mga mananakop, tanda ko pa ang isang babaeng anak ng namumuno sa amin, sa sobrang pagkahumaling niya sa ilang kalalakihan, marami syang pinapagawa ditong di karaniwan. Katulad ni kuya Lito, dating kalapit ng aming bahay, dalawang pu’t tatlo na sya, kung ako ang tatanungi’y walang itsura, kaya siguro sya napagdiskitahan ng babaeng iyon. Habang nagtatrabaho si kuya Lito, pinatawag sya ng babaeng anak nga ng namumuno at pinagahasa nya ang isang babae mula sa imbakan. Ang tanda kong babaeng iyon ay si ate Shiella, dalawang pu’t lima, sampung araw nang patay.
            Maraming hayop ang katabi lamang ng aming kampo, pinapaalagaan ito sa amin at naging ‘pet’ ko na nga dito ay si Bruno, isang baka, kinukuhaan ko sya lagi ng dayami sa kabilang gilid ng kampo, nasaksihan pa naming lahat ang kanyang panganganak. Matapos ang isang taong pag-aalaga namin sa kanya, dinirekta na sya sa hapagkainan ng mga mananakop. Ang naiwan nyang anak ang ngayo’y aking alaga.

            Di lahat ng bawat taon ay may masayang parte, may isang taon kaming naranasang puro pasakit. Di ko nga alam kung kailan ito matatapos. Ginagamit nila ang aming lakas at kakayanan upang kumita sa ibang bayan, ngunit sa loob ng maraming taong pagdurusa, isa pa ring tanong sa aming isipan kung bakit kami ay pinapahirapan, kung bakit nila kailangang sirain ang aming bayan, wasakan ang bawat buhay ng bawat isa. Bakit kami pa?

            Sa sumunod na mga araw matapos kaming maglimang taon sa kampo, ibang gimik na ang kanilang pinauso. Inaayusan na ang mga kababaihan at inirereto sa mga mayayamang kalalakihang bumibisita sa kampo. Marami ang natuwa dahil iniisip nilang ito na ang pagkakataon nilang makaalis sa kampo at magbagong buhay ngunit iba ang nangyari. Ginagahasa sila sa loob ng kampo at wala ni isa ang inilabas sa kanila, parausan ang ginawa sa aming mga kababaihan. Ang ibang nagbuntis ay pinapagawa ng mabibigat na bagay kaya nagsisimatay ang mga bata sa kanilang sinapupunan.

Si Rosa nga, dati kong kaklase sa elementary, natakot syang ipalaglag ang bata dahil sa sobrang pananalig sa Diyos, kaya ginawa nya ang lahat upang di malaglag ang bata. Sya ang kauna-unahang nagsilang ng sanggol sa kampo ngunit matapos ang ilang buwang pag-aaruga nya dito, kinuha rin ito ng tunay na ama at nagbayad ng malaking halaga.
Dahil sa nangyari, iba na ang ginagawa sa mga kababaihan, di na sila gumagawa ng mabibigat na gawain dahil sila ay pinapagawa ng mga sanggol na ipagbibili sa mga dayuhan. Ang kababaihang makagawa at makabenta ay may malaking gantimpala, ang pagkain ng tatlong beses sa isang araw.
Nasa tamang edad lamang na kababaihan ang pinapagawa ng mga ito kaya di ko pa ito nararanasan.

Sa ikaanim na taon naming sa kampo, ito na ang araw na kinatatakutan ko dahil sa oras na tumuntong ako sa ikalabing walong gulang ay gagawin ko na rin ang mga ginagawa ng kababaihang may labing walong gulang. Maswerte ako sa unang karanasan ko dahil ang taga ibang bayan na dapat ay gagalaw sa akin ay may mabuting puso, di nya ako nagalaw ngunit sa pagkakataong nakakainom sya ay mas grabe ang ginagawa sa aking parusa, pinapagawa ako ng mga bagay na di kaya ng akin murang katawan. Habang tumatanda’y gumaganda ang aking katawan kaya rin siguro napag-interesan ako ng kahit mga taga kampo. Pinili kong gumawa ng mabibigat na bagay para di nila ako magawan ng masama ngunit isang gabi, tinutukan ako ng baril ng isang guwardya, sinabi nya sa aking papatayin nya ako kung hindi ako papayag sa nais nya. Kung pipiliin ko ang bala ng baril, mapapabayaan sa kampo si mila kaya sumunod ako sa gusto nya. Ito ang pinakamasaklap na nangyari sa akin. Ito ang dahilan kung bakit lagi akong umiiyak at tulala. Maraming beses ko na ngang sinaktan si Mila dahil sa mga nangyari sa akin. Natatagpuan ko na lang ang sarili kong maraming hiwa sa katawan habang yakap ng aking kapatid.

Monday, March 5, 2012

Kisapmata: Ang anim na taong paghihirap part 4


KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
(+63) 9104807338

PART IV
Kawalan ng pag-asa, naiisip ko noong magpakamatay na lang kami ng aking kapatid ngunit di ito ang tamang paraan. Habang nangunguha ng dayami para sa aking alaga, may nakita akong kakaibang lagusan. Nang tahakin ko ito, iba ito sa mundo sa loob ng kampo, marami ang puno, ang sikat ng araw ay nararamdaman ko pa sa aking pisngi at masaganang ihip ng hangin na dala ang mithiing pag-asa at kalayaan. May nakita rin akong nag-iisang daan kung saan tila mahaba ang tatahakin bago makapunta sa nais mong lugar. Naisip ko nga,

“maari naming itong gawing laruan at ang daa’y pwedeng humantong sa aming kaligtasan”

            Nang balikan ko na sa kampo si Mila ay nakita ko ang lalaking gumahasa sa akin at dahil mahigpit na pinagbabawal ang pagpunta sa lagusang iyon, binantaan nya ako muling papatayin kung sakaling di ko sundin ang nais nya.
Nakakatawa mang isipin ngunit nakasanayan na rin ito ng aking katawan, kaya rin siguro nahumaling na ko dito at kahit si Nilo ay inaaya ko na rin, ngunit sa bawat gabing kasama ang lalaking iyon, sa bawat kamot at gasgas ng kuko sa kanyang likod – lalong naghahangad akong makatakas kami sa kampo dahil ayokong mangyari ito kay Mila.
Ang dating maliliit na batang lalaki ay binata na ngayon. Isang himagsikan ang pinlano ng mga nakakatanda, babae man o lalaki ay makikilahok. Kailangang ialay ang buhay upang matapos na ang pang-aalipin. Ito ang panahong pinlano kong itakas si Mila. Dahil sa natunugan ng mga mananakop ang pinaplanong himagsikan, di nila pinapakain ng tama ng aming kalalakihan at ang iba nga, pinapahirapan kahit wlang kasalanan. Ang pinakamasakit pa sa aming lahi, pinatay ang mga namumuno sa amin.
Dumating ang araw ng himagsikan, naitakas ko ng araw na iyon si Mila, dala nya lang ang matamis kong ngiti at yakap, di ko man alam ang paroroonan nya, alam ko sa puso kong ligtas na sya. Ang pagdating ng araw ng himagsikan ay araw din ng pagpapakita ng mga mananakop ng kanilang bagong mga imbensyon, nakakatakot na bagong mga imbensyon, dahil rin sa pagkamatay ng mga namumuno sa amin, nawalan ng loob ang bawat isa at di na natuloy ang himagsikan.
Nalaman ng mga mananakop ang nangyari sa pagpapatakas ko kay Mila, dahil dito, maraming araw nila akong pinahirapan at tinatanong kung saan at paano pinatakas si Mila. Matindi man ang parusa, mayroon pa ring isang bandang,
LIGTAS NA SI MILA!
Maatagal tagal na rin kaming gumagawa n ibat ibang klaseng kemikal, nakagawa nga ang isa sa amin ng pampatulog. Dahil sila ang naghahanda ng lahat ng pagkain, nagagawa nilang paglaruan ang mga bantay ngunit mabilis din itong nalaman ng mga mananakop kaya di na kami pinaghawak ng kemikal.

Sunday, March 4, 2012

Kisapmata: Ang anim na taong paghihirap part 5


KISAPMATA
Ang anim na taong paghihirap
(+63) 9104807338

PART V
Isang magandang araw muli ang dumampi sa aking mukha, ang araw na tila katulad noong bago maganap ang lahat. Ang mga mananakop ay nagdiriwang ng isa nilang okasyon kung saan pinapasalamatan ang mga bathala nilang walang kasing lupit. Sino ba namang bathala ang mag-uutos na pumaslang ng mga inosenteng nilalang? Lahat ay pinasali sa pagdiriwang kahit kaming mga ulila lamang. Nagdala ang dayuhan ng maraming panauhin galing sa ibat ibang bayan. Hindi muna pinagtrabaho ang mga kababaihan at kalalakihan. Lahat ay maaring kumain ng handa ngunit tila kanin at sabaw lamang ang hinain sa amin. May mga naganap na paligsahan sa ibat ibang larangan. Boksing sa lalaki at sayaw sa babae. Natatawa ang mga dayuhan habang kami ay pinagmamasdang ginagawa ang mga nais nila.
Ang ibang dayuhan ay nagkagusto sa kababaihan at binili sila upang gawing asawa at ang iba, ulila. Isa rito ang aming kasamahang si Laura, labing pitong gulang lamang sya ng magustuhan at ipagbili. Mabilis syang pumayag dahil sa kagustuhang malayo sa kampo. Noong araw ng pista ay sinubukan kong hikayatin ang mga kasamahan ko upang tumakas sa lagusan kung saan ko binigyang kalayaan si Mila. Lahat halos ay nakiisa maliban kay Laura. Dahil nga naipagbili na sya at may kinabukasan na, nagbago na ang pananaw nya ukol sa kalayaan,

“ito lang ang paraan ko upang makalaya sa lugar na ito, sa oras na ako’y maiuwi sa tirahan ng bumili sa akin, magiging prinsesa na ako tulad ng kanyang pinangako”

Matandang lalaki ang nakabili kay Laura, muka man itong mayaman, mukha ring di ito gagawa ng tama sa kanya.

“ngunit di pa ba sapat ang anim na taong pang-uulila sayo? Naniniwala ka pa rin bang di ka na aalilain ng dayuhang bumili sa’yo? Alam nya kung ano tayo dito, sa tingin mo ba totoo ka nyang gagawing prinsesa? Mag-isip ka nga Laura”

Nagalit sya sa akin at umalis. Ngunit sa oras na kami’y tatakas na ay dinakip ako. Nagsumbong si Laura sa mga mananakop ngunit dahil na rin sa pagdiriwang, hinayaan nila ako sa selda ngunit binalaan akong matapos ng pagdiriwang ay gagawin na nila ang parusa. Alam kong tatagal na lamang ng tatlong araw ang kanilang pagsasaya kaya pinilit kong makatakas sa selda. Tinahak ko ang daan patungo sa buhay at kamatayan, lumabas ako noon sa selda at kasama ng iba, kami’y tumakas. Dahil sa may nakakita sa amin, sila’y nagpaputok at nagkagulo ang lahat. Isa sa amin ay sugatan ngunit imbis na sisi ang isukli, ngumiti lamang sya sa akin.
Noong oras na yon, naramdaman ko ang saya at lungkot. Nang simulan ko ng tawagin ang iba kong kasama, silang lahat ay napangiti sa akin habang winawagayway ang kamay.

“kunin mo na ang iyong kalayaan”

Sabi nga nila, pinilit ko silang sumama ngunit di sila sumama, imbis ay tinakpan pa nila ang lagusan. Isa lang ang alam ko, Masaya sila para sa akin.
------------
Habang naglalakad sa mahabang daanan, masyado akong nabibighani sa paligid, marahil din siguro sa anim na taon na kong di nakakaita ng ganoong tanawin. Tila ba ginawa ang lugar na ito para sa akin. Bigla kong naalala si Mila, nasan na kaya sya, nakauwi kaya syang ligtas?
Narating ko na siguro ang kalahating parte ng daan ng may mapansin akong tao at nagtanong dito.

“saan po ang paroroonan ng daang ito?”

Nakatingin lang sya sa aking tila nagtataka ngunit di nya ako kinibo, patuloy syang naglakad at patuloy naming dumadami ang taong nagdadaan. Isa lamang ang tanong ko sa kanila ngunit isa lang din ang mga tugon nila sa akin, wala silang naisasagot. Dumami ng dumami ang taong aking nakita, napahinto ako dahil sa bulto ng taong dumadaan at nakita ko ang mukhang pamilyar, isang mukha ang bumulabog sa aking tahimik na isipan

“sino ba sya? Pamilyar masyado ang kanyang mukha…ngunit sino nga ba sya?”

Aking nasabi sa sarili habang nakatingin sa batang maputi, siguro’y pitong taong gulang at nakangiti sa akin habang tila sabik na sabik na papunta sa aking direksyon.

“ate, sabi ni inay nakalimutan mong dalhin ang pera” sinabi ng bata sa akin

Muli kong naalala ang tagpong noo’y di pa kami nasasakop. Kinagulat ko rin ang nakita ko sa aking harapan, ang aming lungsod na tila walang kalamat lamat, mukha ng mga taong walang problema at tila mga mukhang napakasaya, na tila di nagdusa ng anim na taon.
ANG TAGPONG IYON AY KAPAREHAS DIN NG TAGPO NOON…